Rider salpok sa taxi

MANILA, Philippines - Kamatayan ang sinapit ng isang rider makaraang sumalpok ang motorsiklo nito sa isang  taxi sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Quezon City Police Traffic Sector 4, nakilala ang biktima na si Renato Galang, 18, ng Sta. Teresita St., Malanday, Valenzuela City.

Nasa kustodiya naman ng TS-4 ang driver ng taxi na si Lemuel Salem, para sa kaukulang pagsisiyasat.

Sa ulat, nangyari ang insidente sa may panulukan ng Scout Tobias at A. Roces Street, Brgy Obrero, ganap na ala-1 ng madaling-araw.

Sinasabing mabilis na tina­tahak ng biktima sakay ng kanyang motorsiklo (8141-TA) ang lugar nang biglang sumalpok ito sa pinapasadang Sandman taxi (UVM-101) ni Salem.

Ayon kay Salem, nag- overtake umano ang motorsiklo sa isang sasakyan at sa sobrang bilis ay hindi na ito nakapagpreno at sumalpok sa taxi.

Sa lakas ng impact, na­pinsala ang katawan ng biktima, sanhi upang bawian ito ng buhay.

Show comments