MANILA, Philippines - Isang umano’y bading na trader ang binurdahan ng saksak at napatay ng dalawang umano’y call boy na nagmasahe sa kanya sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Manila Police District-Homicide Section chief, S/Insp. Joey de Ocampo ang biktima na si Mario Dominic Velasco, 47, ng Ma. Luisa St., Sampaloc, Maynila na nagtamo ng 11 saksak sa katawan.
Arestado naman ang mga suspect na sina Ronaldo S. Joson, 21; at Jordan Gino Apiag, 22.
Dakong ala-1:45 ng madaling araw nang maganap ang nasabing krimen sa loob ng bahay ng biktima.
Nagbigay ng pahayag sa imbestigador ang kapatid ng biktima na si Niño na nakita ng kanilang kasambahay na duguan ang kanyang kapatid kaya nagsisigaw at humingi ng tulong sa kalapit na barangay hall.
Hinabol ng mga barangay tanod ang mga suspect subalit nakatakas si Apiag habang si Joson ay nadakip at nakuha sa kanya ang bag na naglalaman ng laptop na pag-aari umano ng biktima.
Isinugod pa sa Ospital ng Sampaloc ang biktima subalit hindi na umabot ng buhay.
Nagsagawa naman ng follow-up operation ang pulisya kung saan nadakip si Apiag.
Nabatid na regular na masahista si Joson at isinama lamang niya si Apiag upang kumita rin sa pagmamasahe.
Sinabi naman sa MPD ni Niño, kapatid ng biktima, na call boy umano ang dalawang suspect.
Itinanggi ni Joson na siya ang pumatay at itinuro si Apiag. Nagsimula umano ang pagtatalo nang baratin ng biktima ang napag-usapang bayad na P600 na nauwi sa P300.