MANILA, Philippines - Muling sumirit ang presyo ng petrolyo sa bansa makaraang magpatupad ng ikalawang pagtataas ang mga kompanya ng langis kahapon na itiniyempo pa sa Friday the 13th kahapon.
Sabay-sabay na nagtaas ng kanilang presyo ang Petron Corporation, Total at Chevron Philippines dakong alas-6 ng umaga habang nakisabay rin ang Pilipinas Shell.
Nasa P.80 sentimos kada litro ang itinaas ng mga ito sa kanilang super premium, premium at unleaded na gasolina, P.25 sentimos kada litro sa regular na gasolina, P.50 sentimos sa diesel at P.40 sentimos sa kerosene.
Matatandaan na unang nagtaas ng P1 kada litro sa gasolina, diesel at kerosene ang mga kompanya ng langis nitong nakaraang Martes lamang.
Una nang sinabi ni Department of Energy (DOE) ang nakaambang bigtime oil price hike dahil sa pagtaas umano ng presyo ng inaangkat na langis buhat sa Gitnang Silangan dahil sa sigalot dulot ng bansang Iran.
Pinakiusapan naman umano ng DOE ang mga kompanya ng langis na gawing “staggered basis” o magkakahiwalay ang pagtataas na isasagawa para hindi mabigla ang mga motorista.