MANILA, Philippines - Ipagbabawal na sa Quezon City ang pag-aangkas ng bata na may edad 12-anyos pababa sa mga motorsiklo upang mailayo ang mga ito sa disgrasya.
Ito ay kapag naaprubahan ng QC council ang panukalang ordinansa ni QC district 4 Councilor Edcel Lagman hinggil dito.
Binigyang diin ni Lagman na kalimitan nang nakakagawian ng mga riders na magsakay ng kanilang anak sa motorsiklo pero hindi naman napapangalagaan ang mga ito dahil tanging sila lamang ang naka-helmet at ang mga bata ay naka-angkas lamang sa sasakyan.
Naniniwala si Lagman na kapag nasangkot sa aksidente ang isang rider, malamang na ang kanyang sarili muna ang pangangalagaan at hindi ang sakay na bata dahil siya ang may hawak ng sasakyan.
Batay sa record ng Road Safety Unit (RSU) may 2,092 aksidente sa mga motorsiklo at may 51 dito ang nasawi sa unang limang buwan ng 2006.
Noong 2005, may kabuuang 4,174 ang motorcycle-related accidents at 79 dito ay namatay.