MANILA, Philippines - Magpipiyesta ang mga miyembro ng ‘Acetylene gang’ makaraang matagumpay na matangay ang P15 milyong halaga ng alahas at salapi buhat sa isang sanglaan na pinasok sa pamamagitan ng paghuhukay ng tunnel sa Parañaque City.
Natuklasan ang naturang panloloob dakong alas-8 kamakalawa ng umaga sa Mega Trend Pawnshop na nasa Quirino Avenue cor. Rivera Sts., Brgy. Baclaran, ng naturang lungsod.
Ayon sa branch manager nito na si Gemma Hawthore, 32, natuklasan niya ang naganap na panloloob sa kanyang pagpasok matapos ang kanilang pagsasara nitong nakaraang Linggo.
Nadiskubre niya na bukas ang dalawang kaha-de-yero ng sanglaan na naglalaman ng malaking halaga ng salapi habang nalimas din ng mga salarin ang mga mamahaling alahas, laptop computer at maging isang baril na naka-prenda sa sanglaan.
Natuklasan din ang malaking butas sa loob ng establisimento na ginawang tunnel na tumatagos patungo sa manhole sa Rivera St. na siyang dinaanan ng mga magnanakaw para makapasok sa sanglaan.
Iniwanan naman ng mga salarin sa loob ng sanglaan ang bareta de kabra, sinsel, tangke ng super kalan at acetylene torch na ginamit ng mga ito sa pagsira sa kaha-de-yero at paghuhukay.