MANILA, Philippines - Isinusulong ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ambisyosong proyektong “Skybridge” sa Metro Manila na gagastos ng multi-bilyong pondo.
Sa panayam sa telebisyon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, lubhang kailangan na ng Metro Manila ang naturang mga uri ng proyekto na siyang solusyon para mapaluwag ang daloy ng trapiko.
May habang 8.3 kilometro ang panukalang Skybridge na magdudugtong sa E. Rodriguez Avenue sa Quezon City hanggang sa Makati City. Isinumite na ng MMDA ang construction plan sa National Economic Development Authority (NEDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para maaprubahan ito.
Sa pamamagitan nito aniya, magiging 15 hanggang 18 minuto na lamang ang biyahe papunta sa magkabilang lungsod. Humingi naman ng dagdag na pang-unawa si Tolentino sa mga motorista dahil sa inaasahang pagsisikip pa ng trapiko sa ilang mga lugar sa EDSA dahil sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways. Bukod sa “road re-blocking”, may dalawa ring flyover na itatayo ang DPWH sa may Lanuza at Julia Vargas Avenue sa may Pasig na maaaring makaapekto sa daloy ng trapiko sa EDSA.
Hiniling ni Tolentino sa DPWH na kumuha muna ng right of way para makagawa ng dalawang bagong lane sa may tabi ng Tiendesitas upang daanan ng mga motorista bago umpisahan ang proyekto sa mga flyover na tatagal ng 14 na buwan na konstruksyon.