Trader binoga sa palengke

MANILA, Philippines - Tama ng mga bala ng baril sa ulo ang agad na ikinamatay ng isang negosyante matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang salarin kahapon ng umaga sa Divisoria market, sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni PO2 Bernardo Cayabyab, ng Manila Police District-Homicide Section, nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo ang biktimang si Johnwill Quinto, residente ng 2047-F Leveriza St., Malate, Maynila.

Dakong alas-4 ng madaling-araw nang tambangan ang biktima sa harapan ng Azcarraga Textile Market na matatagpuan sa C.M. Recto at Ilaya St.,Tondo, Maynila. Kasama ng biktima ang live-in partner nitong si Lilibeth Palomo, 44, nang maganap ang pamamaril.

Nagulat na lamang umano si Palomo nang may biglang firecrackers na pumutok sa tabi nila subalit bumulagta ang biktima  at doon niya nakitang duguan ang ulo nito.

Sa nakuhang impormasyon ng pulisya, isang lalaki lamang ang lumapit sa biktima at dalawang ulit na pinutukan sa ulo habang nakatalikod. Namimili umano sila ng gulay upang itinda sa kanilang puwesto sa San Andres market.

Wala namang anggulo ng holdap dahil hindi naman umano tinangayan ng dalang pera ang biktima.

Show comments