MANILA, Philippines - Nagpadala kahapon ng dalawang toneladang water purifier ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at 19-man contingent sa Iligan City upang umalalay sa mga biktima ng pagbaha na iniwan ng tropical storm Sendong.
Inihatid ng boat ng Philippine Navy ang rescue team ng MMDA at mananatili sila sa Iligan City hanggang Pasko upang tiyakin na mabibigyan ng tulong ang mga nasalanta ng bagyo.
Nakatakda silang bumalik sa Maynila bago mag-Bagong Taon.
Mula sa MMDA Road Emergency Group, ang binuong team ay kinabibilangan ng trained rescue staff, medical services assistants at dalawang mechanics.
Magdadala din ang mga ito ng multi-cab vehicle lulan ang mga medical kits, basic tools at rescue kits na magagamit para matulungan ang mga biktima na nangangailangan ng first aid.
Sinabi pa nito na ang iba pang mga equipment at personnel ay sasakay sa available boat patungo sa Iligan City sa lalong madaling panahon.
Kasama ng rescue teams ng MMDA ang mga rescue personnel ng lokal na pamahalaan ng Pasig at Makati City.