Call center agent nagbigti

MANILA, Philippines - Kusang nagpasalubong kay kamatayan ang isang call center agent na Bumbay matapos magbigti sa loob ng kanyang condominium sa Pasig City kahapon ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Vijay Kulkarni, 33, may asawa, call center agent ng JP Morgan Chase sa Taguig City at pansamantalang naninirahan sa unit 1414 Renaissance 2000, Meralco Avenue, Barangay Ugong, Pasig City.

Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Jessie Cardona, station commander ng Pasig City PNP, nabatid na dakong alas-8:30 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima na nakabitin sa nasabing lugar.

Ayon sa dalawang kaibigang sina Ram Krishna Shirdnar at Gay Cheryl Aguilar, nagtataka sila dahil hindi pumasok sa trabaho ang biktima noong Huwebes at Biyernes.

Tinatawagan nila sa cellphone at tine-text ang biktima pero hindi ito sumasagot kaya pinuntahan nila ito sa kanyang unit. Sa tulong ng building engineer at security ng gusali ay nabuksan ang unit kung saan bumulaga ang katawan ng biktima na nakabitin gamit ang kumot habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments