Pahinante pisak sa truck

MANILA, Philippines - Lasog ang katawan ng isang pahinante makaraang ma­hulog at masagasaan ng isang 10-wheeler truck sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni PO2 Allan Florendo ng Quezon City Police District (QCPD)-Traffic Sector 5 ang biktima na si Ronald Abraham, 30, ng Protosantos Avenue, Pulang Lupa, Las Piñas City.

Sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa west bound lane ng Commonwealth Avenue sa may PhilCoa, ganap na ala-1 ng madaling-araw.

Base sa pahayag ng driver ng truck na si Joel Aranas, minamaneho umano niya ang isang trailer truck (ZSL-297) na may hilang isang generator set na pag-aari ng JB and Sons nang mapuna niyang bukas ang pintuan nito na nasa gawing likuran ng truck.

Uutusan sana umano ni Aranas ang biktima na tingnan ang pinto ng generator set pero nakalabas na pala ito.

Nalaman na lamang umano ni Aranas na nahulog at nasagasaan na niya ang biktima nang ilang nakasaksi sa insidente ang nagsisigaw at sinabi ang pangyayari.

Sinabi ng ilang nakasaksi, nahulog umano ang biktima habang tumulay patungo sa likurang bahagi ng truck kahit na umaarangkada pa ito.

Show comments