MANILA, Philippines - Aabot sa milyong halaga ng imported na kargamento na lulan sa container truck ang iniulat na hinaydyak ng limang ’di-kilalang kalalakihan kabilang ang isang unipormadong pulis sa hangganan ng Manila at Navotas City kamakalawa ng gabi.
Sa pahayag ng drayber ng trak na si Antonio Quinto, 37, ng San Jose del Monte, Bulacan, pinara ang kanyang container truck (ZHS-272) na naglalaman ng mga imported na karne sa bahagi ng Delpan Road sa Tondo, Manila.
Dahil sa nakaunipormeng pulis ang nagpapara ay kaagad na inihinto ni Quinto ang minamanehong trak dahil sa sinasabing walang ilaw bilang signal light ang likuran ng sasakyan.
Bumaba mula sa trak si Quinto upang alamin ang pangyayari, subalit pinasampa uli siya ng naka-unipormeng pulis.
Dito na sumampa sa trak ang apat pang lalaki sabay tutok ng mga baril sa pahinanteng si Ruby Quinto, 25.
Iginapos at piniringan ang mga mata ng magpinsan bago inilagay sa likurang upuan ng trak.
Inabandona sa bahagi ng Dagat-Dagatan sa Caloocan City ang trak kung saan nasa loob ng sasakyan ang magpinsan matapos idiskarga ng mga haydyaker ang kilu-kilong imported na karne.
Matapos makakawala sa pagkakagapos ay mabilis namang ipinaabot ang insidente sa pulisya habang patuloy naman ang follow-up operation ng pulisya.