MANILA, Philippines - Tiniyak ng pamunuan ng Manila City Jail na hindi magagamit ang eDalaw sa anumang mga katiwalian ka bilang na ang cyber sex at pangongotong ng mga jail personnel.
Ang paniniyak ay ginawa nina MCJ warden Sr. Supt. Ruel Rivera at Female warden Supt. Esmeralda Azucena kasabay ng paglulunsad nito kamakalawa.
Ayon kay Rivera, may nakatalagang BJMP personnel sa area kung saan nakatala ang mga presong gagamit ng eDalaw na tatagal lamang ng 10 minuto bawat isa.
Paliwanag ni Rivera, imomonitor ang lahat ng kilos ng mga BJMP personnel gayundin ang mga inmates upang maiwasan ang kutsabahan at pang-aabuso upang maging priyoridad sa paggamit ng internet kung saan makakausap ng mga preso ang kanilang mga mahal sa buhay.
Nabatid kay Rivera na prayoridad nila ang mga presong walang dalaw kung saan nakipag-ugnayan na sila at mabigyan ng pagkakataon ang mga pamilya na makausap bagama’t malayo sa isa’t isa.
Ang paglulunsad ng eDalaw sa MCJ ay dinaluhan ni DILG Secretary Jesse Robredo, 3rd District Congresswoman Naida Angping, asawang si Harry at Bgy. Chairman Thelma Lim.