Lolo lunod sa ilog
MANILA, Philippines - Natagpuang lumulutang ang bangkay ng isang 64- anyos na lolo na sinasabing inanod ng malakas na agos ng tubig sa Dario river sa Brgy. Apolonio Samson, Bahay Toro kamakalawa ng gabi sa Quezon City. Kinilala ang biktima na si Rolando Terasa, jeepney driver at residente ng Sitio Militar, Brgy. Bahay Toro, Quezon City. Nang maiahon mula sa ilog ay kinakitaan ng sugat sa ulo ang biktima. Ito ay positibong kinilala ng kanyang kapatid na si Romarico, barangay tanod sa lugar. Bandang alas 6:30 ng umaga kahapon ng matagpuan ang bangkay ng biktima na lumulutang sa naturang ilog. Huling nakitang buhay ang biktima bandang alas-5:30 ng hapon noong Biyernes na kinukumpuni ang tulay na kahoy sa creek ng Sitio Militar sa tapat ng kanyang bahay habang nasa kasagsagan ng pag-ulan kamakalawa ng hapon. Dahil umano sa lakas ng agos ng tubig sa naturang ilog ay natangay ng biktima at inanod.
- Latest
- Trending