MANILA, Philippines - Nagpakalat na ng dagdag na tauhan ang Southern Police District (SPD) sa bisinidad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang higpitan ang seguridad sa mga umuuwing Overseas Filipino Workers (OFWs) laban sa mga sindikatong nambibiktima sa mga ito.
Sinabi ni Chief Insp. Jenny Tecson, tagapagsalita ng SPD, na naglagay sila ng mga tauhan sa mga lansangan tungo sa paliparan upang matyagan ang galaw ng mga motorista na sumusundo sa mga balikbayan.
Nakipagkoordinasyon na rin sila sa PNP-Aviation Security Group upang mapalakas ang kanilang pagbabantay laban sa mga kriminal na target ang mga OFWs at bakasyunista.
Nais maiwasan ng SPD ang mga krimen tulad ng pagsalakay ng ‘Bundol Gang’ na bumibiktima sa mga balikbayan ngayong nagdadagsaan pabalik sa Pilipinas ang mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibayong dagat. Matatandaan na noong nakaraang taon, isa sa nabiktima ng gang ang bayaw ni dating presidential daughter na si Luli Arroyo na si Jorge Bernas na sinundan ng mga kriminal buhat sa NAIA at biniktima sa may Ortigas, Mandaluyong City.
Bukod sa Bundol Gang, nagbabantay rin ang pulisya laban sa mga mapang-abusong taxi drivers, mga holdaper na nagpapanggap na driver at mga kidnapper na maaaring sumalakay.
Sa pagtataya ng NAIA, posibleng umabot sa isang milyong OFWs, balikbayan at mga Fil-foreigners na turista ang dadagsa sa paliparan ngayong buong panahon ng Kapaskuhan.