MANILA, Philippines - Bunsod ng mga sunud-sunod na nakawan sa mga pawnshop kung kaya iinspeksiyunin ng Marikina City Police at ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang mga imburnal sa lugar na ginagamit na daanan ng mga magnanakaw.
Ayon kay P/Sr. Supt. Gabriel Lopez, hepe ng Marikina City Police, iminungkahi nila ang pag-iinspeksyon sa mga imburnal lalo na ’yung mga malapit sa mga establisimento, partikular na ang mga pawnshop at banko.
Iminungkahi rin na maglagay ng bakal na rehas sa mga malalaking imburnal upang hindi makapasok ang mga magtatangkang looban ang mga establisimento sa pamamagitan ng pagdaan sa imburnal.
Matatandaan na may ilang beses na rin na nanakawan ang ilang pawnshop kung saan ang mga suspect ay dumaan sa ilalim ng lupa o sa kanal para makapasok sa lolooban nilang establisimento.