MANILA, Philippines - Nalansag ng pinagsanib na puwersa ng PNP-CIDG at United States Federal Bureau of Investigation ang isang sindikato ng mga Pinoy hackers na ang operasyon ay pinopondohan ng Saudi-based Jemaah Islamiyah (JI) terrorist group sa isinagawang serye ng raid sa Metro Manila nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay PNP-CIDG Chief P/Samuel Pagdilao Jr. kamakalawa ng gabi ay nagsagawa ng operasyon ang kanyang mga tauhan at FBI operatives matapos na magreklamo ang AT & T, isang US-based telecommunications company hinggil sa illegal na aktibidad ng sindikato ng Pinoy hackers na nag-hack sa kanilang system.
Arestado sa operasyon ang apat na suspect na nakilalang sina Macnell Gracilla, 31; Francisco Manalac, 25, at ang live-in partner nitong si Regina Balura, 21, at Paul Michael Kwan, 29.
Nabatid na dahilan sa hacking ay nalugi ng $2-M ang nasabing kompanya kaya napilitan nang dumulog sa mga awtoridad.
Bitbit ang warrant of arrest ay nagsagawa ng serye ng raid ang CIDG’s Anti-Transnational and Cyber Crime Division (ATCCD) at FBI agents sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila kamakalawa ng gabi na nagresulta sa pagkakasakote sa apat na suspect at pagkakasamsam ng mga computer at telecommunications equipment na gamit ng mga ito sa illegal na operasyon ng hacking.
Ayon pa sa ulat, noong 2007 ay nasakote na rin ng mga awtoridad si Kwan kaugnay ng pandaigdigang crackdown na inilunsad ng FBI laban sa mga terror cell na pinopondohan ng mga international terrorist sa bansa.
Nabulgar pa na ang perang kinikita ng mga hackers ay ipinapadala naman ng mga ito sa pamamagitan ng mga lokal na mga banko sa account ng naturang grupo ng mga JI terrorist sa Saudi Arabia.