MANILA, Philippines - Natupok sa dalawang oras na sunog ang isang itinatayong condominium building sa New Port City sa tapat ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 kahapon ng umaga. Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog sa Sarasota Residences na nasa loob ng sosyal na New Port City. Unang inulat ang pagsiklab ng apoy dakong alas-9:53 ng umaga at idineklarang under control ng mga bumbero dakong alas-11:40 ng tanghali.
Ayon sa ulat, nasa ilalim pa ng konstruksyon ang naturang gusali kaya walang nasaktan sa naturang insidente. Nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang apoy dahil sa napakakapal na itim na usok na nagmumula sa basement nito na hindi nila mapasok dahil sa nakakalasong kemikal na humalo sa hangin.
May teorya ang mga bumbero na maaaring nadamay ang mga nakaimbak na pintura at iba pang kemikal sa basement ng gusali na siyang nagpalakas nang husto sa pagsiklab ng apoy. Hindi pa naman batid ng mga imbestigador ang pinagmulan ng apoy habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng ari-arian na nawasak sa insidente.