Driver todas, 1 sugatan sa tatlong 'war freak'

MANILA, Philippines - Patay ang isang driver habang sugatan naman ang isa pa matapos na pagbabarilin ng mga sinasabing ‘war freak’ sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.

Dead on arrival sa Jose Reyes Memorial Me­dical Center (JRMMC) ang bik­timang si  Ronaldo Santos, 61, dahil sa tatlong tama ng bala ng baril sa katawan habang inoobserbahan naman si Rodolfo Mabat, 29.

Pakay ng follow-up ope­ration ng mga awtoridad ang pagdakip sa mga suspect na kinabibilangan ng isang alyas “Bad Jude”; Roger Dionisio­, 22 at isang di pa kilalang lalaki.

Sa ulat ni PO2 Bernardo Cayabyab ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala-1:30 ng mada­ling araw  nang walang habas na magpaputok ang tatlong suspect sa panulukan ng Capulong at Velasquez Sts.  sa Tondo.

Ayon kay Clarence Santos, 18, out of school, siya umano ang pakay ng mga suspect dahil mortal na kaaway niya umano si alyas Bad Jude, mula sa pagkabata.

Habang nakikipagkwentuhan siya sa kaibigang si Jeffrey Quilit, dumating umano ang tatlong suspect at tinutukan siya ng baril subalit agad siyang nakatakbo.

Sakay umano ng motorsiklo ang tatlo nang habulin si Clarence na nagpaikot-ikot sa lugar at nang hindi matagpuan ay binalikan ang mga nakatambay sa pa­nulukan ng Capulong  at  Velasquez Sts. at doon ibinunton ang galit sa pama­magitan ng walang habas na pamamaril, kung saan dalawa ang nadamay.

Show comments