MANILA, Philippines - Patay ang isang basurero makaraang araruhin ng rumaragasang kotse sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang nasawi na si Richard Estelloso, ng Brgy. Bagong Bayan, Sta. Cruz, Manila.
Sumuko at nakapiit ngayon sa detention cell ng pulisya ang nakasagasa na si Jesus Mario Gagasa, 27, call center employee, driver ng Honda Civic (ZFD-659) at naninirahan sa West Fairview, Quezon City.
Lumilitaw sa imbestigasyon na tinatahak ng kotse ni Gagasa ang kahabaan ng Commonwealth Avenue patungo sa direksiyon ng Regalado at pagsapit sa may Camaro St., bigla na lamang umanong tumawid ang biktima dahilan upang masagasaan ito at saka tumilapon ng halos limang metro.
“Nakita po na biglang umiwas sa sinundan kong taxi ang biktima at hindi na ako nakapag preno,” pahayag ni Gagasa sa pulisya.