MANILA, Philippines - Patay na nang matagpuan ang isang bading na hinihinalang binigti ng hindi pa kilalang suspek sa loob ng isang motel sa Caloocan City kahapon ng umaga.
Habang sinusulat ang balitang ito ay inaalam pa ng mga kagawad ng Caloocan City Police ang pangalan ng biktima, na inilarawan lamang na nasa edad na 45 hanggang 50 at 5’4’’ ang taas.
Sa inisyal na report ng pulisya, nabatid na kamakalawa ng gabi ay nag-check-in ang biktima na may kasamang lalaki sa room EV3 ng Kings Lodge Hotel, na matatagpuan sa Del Mundo St., ng nabanggit na siyudad
Dakong alas-6:30 kahapon ng umaga, dahil sa sobra na sa oras ang biktima at kasama nito ay kinatok ng room boy na si Michael Platino ang kuwarto ng mga ito.
Subalit walang sumasagot, kung kaya’t kinuha ni Platino ang master key at nang mabuksan ang pinto ay gumulantang sa kanya ang bangkay ng biktima.
Nakapulupot sa leeg nito ang isang sinturon at nakahandusay sa lapag ng comfort room na nakahubad.
Wala na sa loob ang kasamang lalaki ng biktima.
Nabatid na madalas na pumapasok sa nasabing motel ang biktima na may kasamang iba’t ibang lalaki.