Naki-party: 2 estudyante pinatay

MANILA, Philippines - Dalawang estudyante na magkaklase sa isang pilot school ang pinagsa­saksak hanggang sa ma­patay ng isang binatilyo na umano’y nangursunada sa mga ito kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Kapwa dead-on-arrival sa Makati Medical Center (MMC) sina Carlo Martin Murillo, 19, ng Bulalakaw St., Brgy. Plainview, Manda­luyong City at Leandro Bo­ringot, 18, ng Ciudad del Carmen Executive Village, C. Raymundo Ave­nue, Rosario, Pasig City at kapwa estudyante ng Airlink School sa Pasay City makaraang magtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, kasalukuyan namang nasa custody ng Makati City Department of Social Welfare and Development ang suspect na itinago sa pangalang “Jun” ng San Antonio Village, Makati City.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Nilo Sadsad, ng Sta­tion­ Investigation Division (SID), Makati City Police, naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng gabi sa harapan ng Fresenius Medical Care, malapit sa Alpha­land Mall, Pasong Tamo Extension, Brgy. Magallanes Village ng nabanggit na siyudad.

Nabatid na dumayo ang mga biktima sa nabanggit na lugar dahil may dinaluhang kasayahan.

Dito na kinursunada ng suspect ang mga biktima na masayang nakiki-party hanggang sa magkasun­tukan at mauwi sa pana­naksak ng una sa mga huli.

Show comments