MANILA, Philippines - Agad na nasawi ang 20-anyos na apo ni dating Bise-Presidente Teofisto Guingona makaraang mahulog buhat sa ika-31 palapag ng isang gusali matapos makipag-inuman, kahapon ng madaling-araw sa Muntinlupa City.
Nakilala ang nasawi na si Martin Guingona Lamb, 4th year student sa De La Salle University at naninirahan sa San Antonio St., Magallanes Village, Makati City.
Sa ulat ng Muntinlupa City Police, naganap ang insidente dakong alas-2:35 ng madaling-araw sa Vivere Hotel na nasa 5102 Bridgeway Avenue, Asian Drive, Filinvest, Alabang.
Bago ang pagbagsak nito, unang nag-inuman ang biktima at kaibigang si Miguel Enrique, 22, sa Sky Lounge sa loob ng naturang hotel.
Sinabi ni Enrique na hindi na nila naubos ang iniinom dahil sa kailangan nang magsara ng lounge.
Nagpaalam naman umano siya sa kaibigan na una nang bababa upang kunin ang kotse sa parking area at nagkasundo na magkikita na lamang sa tapat ng lobby ng hotel.
Nagulat na lamang umano siya nang magkagulo na at makita si Guingona na duguang nakasalampak ang katawan sa semento.
Sinabi naman sa pulisya ng waiter na si Ronald Madrigal na nakita niya ang biktima na nasa gilid na ng pasimano ng Sky Lounge hanggang sa tuluyang mahulog.
Inaalam naman ng pulisya kung nahulog o sadyang tumalon ang biktima lalo na’t mababa lamang umano ang pasimano ng lounge ng naturang hotel na lubhang delikado sa mga kostumer na nagnanais magmasid sa magandang tanawin.
Kahapon ay personal namang nagtungo si dating Bise-presidente Guingona sa Rizal Funeral Homes sa Pasay city upang silipin ang bangkay ng apo na anak ng kanyang anak na si Marie Guingona Lamb.