SOLANO, Nueva Vizcaya, Philippines – Muling sumikat ang liwanag sa mga magsasaka sa Nueva Vizcaya matapos maglaan ng pondo ang National Food Authority upang bilhin ang mga storm-damaged na mga palay na sinalanta ng magkasunod na bagyong Pedring at Quiel.
Ayon kay Leslie Martinez, manager ng NFA-Nueva Vizcaya, may tatlong uri ng presyo ang kanilang ilalatag para bilhin ang mga sinalantang palay ng mga magsasaka na biktima ng bagyo.
Mula sa 7.1% hanggang 40% yellow damage ay mabibili ito sa halagang P11 bawat kilo, 40.1% hanggang 60% yellow damage ay mabibili naman sa P9 bawa’t kilo at para naman sa 60.1%-80% yellow damage ay mabibili ito sa P7 bawa’t kilo.
“Ang mga bibilhin na mga storm-damaged na palay ay aming susuriin sa laboratoryo upang malaman kung ang mga ito ay fit-for human consumption at kung hindi naman ay gagawin na lamang na animal feeds,” pahayag ni Martinez.
Ayon naman kay Vice Governor Jing Gambito, marami sa buong lalawigan ang nakatakda pa lamang na mag-ani nang dumating ang magkasunod na bagyo kung kaya’t maraming mga palay ang nasalanta.
Nanawagan din si Gambito sa mga magsasaka na sa halip na ipakain sa mga alagang hayop ang mga sirang palay ay ipagbili na lamang ito sa tanggapan ng NFA upang kahit sa mas murang halaga ay mapakinabangan.
Sa kasalukuyan ay nananatili sa halagang P17 bawa’t kilo ang bili ng NFA sa skin dry na palay sa nasabing lalawigan.