MANILA, Philippines - Hinihinalang mga miyembro ng sindikato ng iligal na droga ang nasa likod ng pamamaslang sa isang sinasabing informer umano ng military makaraang pagbabarilin ito kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Isang tama ng bala ng kalibre .45 baril sa kaliwang mata ang agad na tumapos sa buhay ng biktimang si Richard Ronquillo, 34, nakatira sa Lot 6 Purok 4, Upper Bicutan.
Sa ulat na nakarating sa Southern Police District, naglalakad mag-isa ang biktima sa kanto ng Cagayan de Oro St. sa Maharlika Village dakong alas-9:30 ng gabi nang paslangin ito.
Tulad ng ibang pagpatay na may kinalaman sa iligal na droga ang krimen, habang tikom ang bibig ng mga residente sa naturang lugar kung saan walang nais tumestigo.
Nakuha sa lugar na pinangyarihan ng pamamaslang ang isang basyo ng kalibre .45 na baril na hinihinalang mula sa armas na ginamit ng salarin.
Maaari umanong natunugan ng sindikato ng iligal na droga na namamayagpag sa Maharlika Village ang pagdating ni Ronquillo na maaaring nabuko na nila ito bilang informer ng Narcotics Intelligence Group ng AFP.