MANILA, Philippines - Dalawang-daan na most wanted criminal ang target dakpin ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) sa loob ng isang buwan upang matiyak ang peace and order, partikular ngayong nalalapit na ang pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Ito ang mariing direktiba ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome sa mga pinuno at tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) gayundin sa Police Provincial at Regional Director sa buong kapuluan.
Sinabi ni Bartolome na dahil sa paglobo na naman ng bilang ng kriminalidad ngayong nalalapit na ‘holiday season’ ay mahalagang madakip ang 200 kriminal sa loob ng isang buwan.
Ayon kay Bartolome, 50 wanted na mga kriminal ang nakaatang sa pamunuan ng CIDG na madakip habang ang 150 pa ay pagtutulungan naman ng bawat Police Provincial at Regional Office.
Sa kabila nito, kumambyo naman si Bartolome na walang ‘fixed quota’ sa mga Provincial Police Office dahil dadaan pa ito sa kaukulang ebalwasyon kung ilan ang mga wanted na kriminal sa lugar na nasasakupan ng kanilang hurisdiksyon.
Idinagdag pa ng PNP Chief na kung mahuhuli at maikukulong ang mga ‘most wanted’ na kriminal ay mababawasan ang kriminalidad na nangyayari sa kapaligiran na naglalayong mapayapa ang sambayanan.