MANILA, Philippines - Napigilan ang posibleng panghoholdap sa isang sanglaan makaraang madakip ang tatlong hinihinalang kilabot na holdaper habang tinitiktikan ng mga ito ang naturang establisimento, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Naaresto ng mga rumespondeng tauhan ng Pasay City Police-Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ang mga suspek na nakilalang sina Mark Santos, 33; Dante Bungcayao, 44, at Jonathan Peñaflor, 24, pawang mga miyembro ng Batang City Jail.
Sa ulat ng pulisya, napansin ng mga security guard ng Cebuana Lhuiller Pawnshop na nasa Gil Puyat Avenue, Pasay ang kahina-hinalang kilos ng tatlong suspek sa tapat ng sanglaan dakong alas-3:45 kamakalawa ng hapon.
Napansin umano ng isa nilang sekyu ang nakabukol sa gilid ng isa sa mga suspek kaya agad nilang isinara ang sanglaan at isinumbong ito sa kanilang manager na mabilis na humingi ng responde sa Pasay police.
Hindi na nakapalag ang mga suspek nang sitahin at palibutan ng mga tauhan ng Pasay Police-SIDMS. Nakuha sa posesyon ng mga suspek ang isang kalibre .38 rebolber, isang Magnum .357 at isang patalim.