MANILA, Philippines - Nagdagdag pa ng 30 bagong saksi ang panig ng prosekusyon sa Maguindanao massacre sa pagpapatuloy ng pagdinig nito sa sala ng Quezon City Regional Trial Court sa Camp Bagong Diwa, Taguig City. Dahil dito, umakyat na sa 300 ang bilang ng mga saksi ng panig ng mga biktima. Sinabi ni Private Prosecutor Nena Santos na nais nilang isama sa mga ipiprisintang mga saksi sina dating Defense Secretary Norberto Gonzalez, dating Justice Secretary Agnes Devanadera, dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol at dating AFP chief of staff Gen. Victor Ibrado.
Sinabi ni Santos na nais nilang magtestigo si Gonzalez upang malinawan ang umano’y “video conference” kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo isang araw makaraan ang karumal-dumal na masaker noong Nobyembre 23, 2009 na kumitil sa buhay ng 58 katao.
Sa impormasyon nina Santos, pinag-usapan umano sa naturang conference ang mga detalye ng naganap na masaker at aksyong gagawin ng pamahalaan sa imbestigasyon sa insidente.
Kasama rin umano sa naturang pulong na naganap sa loob ng kampo ng 601st Brigade sa Sultan Kudarat sina dating Presidential Adviser on Mindanao Affairs Jesus Dureza, Ibrado at dating PNP chief, Director General Jesus Versoza.
Sinabi ni Santos na maraming dapat malaman ang mga kapamilya ng mga biktima at ang publiko sa naganap na video conference sa pagpanaw ni Gonzalez.