Mga kababaihan gamit na rin ng drug syndicate - PDEA

MANILA, Philippines - Mga kababaihan ang umano’y ginagamit ngayon ng sindikato ng ilegal na droga, dahil sa umano’y hindi kaagad nahahalata o nakakalusot madalas sa mga awtoridad.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Jose S. Gutierrez Jr., matapos na gamitin ang mga menor-de-edad nga­yon ay mga kababaihan naman ang pinakikilos ng sindikato sa kanilang mga operasyon o negosyo ng droga.

Sinabi ito ni Gutierrez ma­tapos ang magkakasunod na pagdakip ng kanilang tropa kasama ang ibang law enforcer sa mga kababaihang itinuring na drug personalities sa bansa.

Ayon kay Gutierrez, mula January 2011, may kabuuang 674 female drug personalities ang nadakip sa pamamagitan ng buy-bust o search warrant operations. Ang nasa­bing bilang ay sumasaklaw sa 13.3% ng 5,062 kabuuang drug personalities na naaresto ng kanilang tropa.

Ang huling naaresto ng tropa ay ang tatlong kababaihang drug dealers, na tina­guri­ang mother and daughter tandem na sina Lucita, 56; at Jennifer Alperito, 36, kasama ang kanilang supplier na si Anisah Macadato, 27, sa may Iligan City noong September 27, 2011.

Sa follow-up operation ng PDEA na ginawa sa may Bacayo Mercy Celdran, Iligan City, ay naaresto naman si Macadato habang nagdedeliber ng dalawang malaking sachet ng shabu sa mga ope­ratiba.

Bukod pa rito ang pagkaka­aresto kamakailan sa babaeng Kenyan national na si Ashia Atieno Ogotu, 25, noong Sep­tember 29, 2011 sa may Mactan International Airport sa Lapu-lapu City, Cebu dahil sa pagdadala ng tatlong kilogram ng shabu na mula sa Doha, Qatar. Si Ogotu ay hinihinalang miyembro ng African Drug Syndicate.

“Ang serye ng pagdakip sa mga female drug personalities, maging local o foreign na­tionals, ay nagpapakita na ang illegal drug trade ay hindi lamang sa mundo ng mga kalalakihan,” sabi pa ni Gutierrez.

Show comments