Dobleng sea wall sa Manila Bay, nais ng MMDA

MANILA, Philippines - Ipinanukala ng Metropolitan Manila Development Autho­rity (MMDA) sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkakaroon ng dalawa o “double layered” na sea wall sa Manila Bay na higit na matibay laban sa malalakas na alon at makakahikayat pa umano ng dagdag na mga turista.

Isinumite kahapon (Lunes) ng MMDA ang panukala at disenyo sa DPWH na siyang nangunguna sa pagkukumpuni sa nawasak na sea wall.

Ibinase ng MMDA ang kanilang disenyo sa sea wall na makikita sa Galveston, Texas. Nakapaloob dito ang pagkukumpuni at pagpapalakas sa nasirang sea wall habang isa pang pader na may agwat na 10 metro sa una ang itatayo rin na siyang unang sasagupa sa mga higanteng alon ng karagatan.

Inamin naman ni Tolentino na mas malaki at lalagpas sa inisyal na pondo na P30 milyon ang magagamit sa dobleng sea wall ngunit mas mapapakinabangan naman umano ito ng matagal kaysa sa isang sea wall lamang.

Una nang naglabas ang DPWH ng isang disenyo na magtatayo ng seawall na ka­tulad sa taas ng nasira ngunit mas malapad dahil sa ga­gawing isang metro ang kapal nito. Nais naman ni Manila Mayor Alfredo Lim na bukod sa tibay ay dapat na kaaya-aya rin sa matang tingnan ang itatayong sea wall para humatak ng mga turista.  

Show comments