Bebot na 'asset' ng pulis, isinako

MANILA, Philippines - Isang bangkay ng babae ang natagpuang nakasilid sa sako na may pitong saksak at may marka na binigti pa ito ng alambre sa Paco, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Emelita Palacio, 40, ng Int. B, Gomez St., Paco, Maynila.

May impormasyon lamang na may isang grupo ng kalalakihan na nakitang nagtapon ng nasabing sako sa lugar.

Sa ulat ng MPD-Homicide Section, dakong alas-11:00 ng gabi kamakalawa nang makita ng basurerong si Alberto Cruz ang sako sa panulukan Echabelita at Apacible Sts., Paco.

Inakala ng basurero na may makukuha siyang paki­kinabangan at laking gulat nito makaraang makita sa loob ng sako ang bangkay ng babae.

Sinabi sa imbestigador ng live-in partner ng biktima na si Jevlin Bello, 41, madalas umanong magpaalam sa kany­a­ ang biktima kung umaalis ng bahay pero nitong huli ay nalaman niya na alas- 8:00 ng gabi umalis ito ng bahay nang hindi nagpaalam.

Sinasabi ring ‘asset’ ng mga pulis na nakatalaga sa MPD-District Anti-Illegal Drugs ang biktima kaya po­sibleng may kinalaman ang mga ‘tulak’ sa droga sa lugar sa paglikida dito.

Show comments