Bangkay ng guro nadiskubre

MANILA, Philippines - Ang mabahong amoy ang dahilan kaya nadiskubre ang bangkay ng isang matandang guro kung saan nakapalupot sa leeg nito ang isang tuwalya kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Halos naaagnas na ang bangkay ng biktimang si Myrna Aricite, teacher sa Bagong Barrio Elementary School at residente naman ng Malvar St., Brgy. 133, Bagong Barrio.

Ayon sa Station Investigation Division (SID) ng Caloocan City Police, dakong alas-6:30 ng gabi nang matagpuan ang biktima sa loob ng bahay nito.

Ayon sa salaysay ng mga kapitbahay ng biktima na sina Antonio Selesia, 57 at Sandy dela Rosa sa mga pulis, nakaamoy sila ng mabahong amoy na nagmumula sa bahay ng biktima.

Dahil dito, agad nila itong ipinaalam sa mga opisyal ng barangay na naghinala na may masamang nangyari dito kaya’t puwersahang binuksan ang bahay ng biktima at tumambad sa kanila ang naaagnas ng bangkay.

Hanggang sa kasalukuyan naman ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.

Show comments