MANILA, Philippines - Mag-uumpisa na ng seryosong panghuhuli ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga sasakyang walang headlight kapag bumibiyahe sa gabi.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na pasok umano sa “reckless driving ang hindi paggamit ng ilaw sa gabi at may katumbas na multang P500 sa unang paglabag, P750 sa ikalawa at P1,000 naman o kanselasyon ng lisensya sa ikatlong paglabag.
Iginiit nito na hindi uubra ang katwiran ng maraming motorista na sira lamang ang kanilang headlights at huhulihin pa rin sila dahil sa panganib na dulot nito hindi lamang sa nagmamaneho kundi maging sa ibang motorista.
Isa sa pangunahing dahilan ng aksidente sa gabi ay ang hindi paggamit ng headlights na mapanganib sa kalsada.
Bukod sa pribadong motorista, karamihan sa mga napapansin na bumibiyahe nang walang headlights ay ang mga pampasaherong jeepney at traysikel.
Panawagan naman ng mga publiko na idamay din ng MMDA ang panghuhuli sa mga sasakyang may sobrang nakakasilaw na headlights na halogen na mas nagdudulot ng panganib sa lansangan.