MANILA, Philippines - Tiniyak ng pamunuan ng Manila City Jail (MCJ) na doble alerto ang kanilang isinasagawa ngayon sa loob ng piitan laban sa jailbreak at pagpapasok ng mga kontrabando sa piitan.
Ang paniniyak ay ginawa ni MCJ Warden Sr. Supt. Ruel Rivera, matapos ang ginawang pagtakas ng siyam na preso kamakalawa sa Quezon City Police District Fairview Police Station.
Ayon kay Rivera, 24 oras naglilibot ang kanyang mga tauhan sa paligid ng MCJ habang may metal detector at body searching naman sa mga bisita upang masiguro na walang naipapasok na anumang kontrabando tulad ng lagari at mga drug paraphernalia.
Sinabi ni Rivera na inutos din niya ang pagbabawas sa mga dalang pagkain ng mga dalaw.
Aniya, kailangan lamang dalhin ng mga dalaw ang mga pagkain na kakainin sa loob ng isang araw.
Posibleng mabulok lamang ang mga pagkain dahil wala namang puwedeng pag-imbakan ng mga ito.
Dagdag pa ni Rivera, iniiwasan lamang nila na masalisihan ng mga kontrabando na maaaring gamitin ng mga preso sa pagpuga.
Kasabay nito, pinabulaanan din ni Rivera na pinagbabawalang magdala ng pagkain ang mga dalaw.