Ginang patay sa riding-in-tandem

MANILA, Philippines - Isang ginang na bumisita lamang sa kanyang anak ang iniulat na nasawi makaraang ratratin ng riding in tandem habang bumibili ang una ng fish ball kamakalawa ng hapon sa Mandaluyong City.

Dead on the spot ang biktimang si Daphne Ocampo, 32, ng Aurolio St., Sta. Ana, Manila bunsod nang tinamong apat na tama ng bala ng kalibre .45 sa ulo, dibdib at likod.

Sugatan naman at isinugod sa Mandaluyong City Medical Center si Josephine Gomer, na tindera ng fish ball, matapos na tamaan ng ligaw na bala sa kaliwang paa.

Ayon kay PO2 Donald Bañes, ng CIU ng Mandaluyong City Police, nabatid na naganap ang insidente dakong alas-4:00 ng hapon sa mataong lugar ng Private Road, panulukan ng San Francisco St., Brgy. Hulo, Mandaluyong City.

Nauna rito, dinalaw umano ng biktima ang kaniyang anak na nasa poder ng dati niyang live-in partner sa Mandaluyong City.

Bumibili umano ng fish ball ang biktima nang dumating ang mga di kilalang suspek na lulan ng kulay pulang motorsiklo na walang plaka.

Bumaba umano ang lalaking angkas saka malapitang binaril ang biktima ng dalawang ulit sa likod.

Tiniyak pa umano ng suspek na patay na ang biktima dahil nang bumagsak ito ay muli itong binaril sa ulo at dibdib bago mabilis na tumakas patungo sa direksiyon ng Makati City.     

Ayon sa dating live-in partner ng biktima, na tumangging magpabanggit ng pangalan, madalas umanong magtungo ang babae sa Mandaluyong City dahil dinadalaw nito ang kanilang anak na nasa kaniyang poder.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo ng pamamaslang sa biktima at iginiit na malabong holdap ito dahil hindi naman tinangay ng mga suspek ang pera at mahalagang gamit nito.

Kamakalawa lamang dalawa ring ginang, isa sa Quezon City at sa Pasay ang binaril at napatay din ng riding in tandem sa hindi pa rin malamang dahilan.

Show comments