MANILA, Philippines - Pinagkalooban ng mga makabagong armas ang pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang matugunan ang pangangailangang seguridad sa mga piitan sa lungsod.
Ang mga makabagong armas ay tulong ng Quezon City government sa BJMP na umaabot sa halagang P3.7 milyon.
Ayon kay QC Jail Warden Supt. Joseph Vela, makakatulong ang naturang armas sa logistical requirements ng kanilang mga pasilidad bunga ng lumolobong bilang ng mga bilanggo.
Ang piitan sa lungsod ang itinuturing na pangalawa sa pinakamalaking piitan sa bansa na nangangailangan ng karagdagang armas para sa larangan ng seguridad.
Kabilang sa nagbigay ng suporta ay sina Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte na personal na ipinamahagi ang dalawampung 5.56 caliber Norinco rifle, 70 caliber .40 Taurus pistols at mga bala.
Ayon pa kay Vela, bilang parte ng proactive measures, bago ang distribusyon ng mga armas, magsasagawa muna ang kagawaran ng Seminar Training on Responsible Gun Ownership at Firearms Safety sa mga personnel para matiyak ang maayos na paghawak sa mga ito. Sa kasalukuyan, ang Quezon City Jail ay may 3,015 na preso.