MANILA, Philippines - Gulpi-sarado ang inabot ng isang pulis na nakatalaga Manila Police District-Traffic Enforcement Group matapos pagtulungang gulpihin ng mga drayber na lulong sa bawal na droga sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Naawat lamang ang panggugulpi kay P01 Donato Jetro Guerrero Tabinas nang rumesponde ang mga tauhan ng Blumentritt Police Community Precinct.
Sa reklamo ni PO1 Tabinas sa MPD-General Assignment Section, naganap ang insidente sa panulukan ng L. Rivera at Cavite Street sa Sta. Cruz, Maynila noong Sabado ng hapon.
Sinita at hinihingan ng lisensiya ni PO1 Tabinas ang isang driver matapos lumabag sa batas trapiko sa panulukan ng Rizal Avenue at Tayuman Street. Sa halip na ibigay ang lisensiya, humarurot ang jeepney kung saan hinabol naman ng biktima at inabutan sa L. Rivera panulukan ng Cavite Street.
Gayon pa man, naglapitan ang mga kasamahang drayber na namumula pa ang mga mata dahil sa droga at pinaikutan ang biktima kung saan inagaw ang kaniyang cal. 9mm. at pinagtulungang gulpihin saka hinablot pa ang gintong kuwintas.
Nahinto ang kaguluhan matapos rumesponde sina SP01 June Caligtan Guinayen, P03 Francis Manlutac na pawang nakatalaga sa Blumentritt-PCP. Matapos magpagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center ay bumalik ang biktima sa Blumentritt-PCP para magsampa ng reklamo subalit pinalaya na ng mga pulis.
Bunsod nito, maging ang mga tauhan ng Blumentritt-PCP ay isinama na sa inirereklamo ni PO1 Tabinas.