MANILA, Philippines - Isang dalagang manager sa on-line casino ang pinatay sa pamamagitan nang pagsaklob ng plastic bag sa mukha nito ng umano’y kanyang nobyo kamakalawa sa Makati City.
Kinilala ang nasawing biktima na si Moline Atendido, 37, ng Brgy.San Antonio Village ng nabanggit na siyudad.
Agad namang nadakip at nakapiit na sa Makati City Police detention cell ang suspek na si Andre del Pilar, 37, may asawa, isang sales agent, ng Mira Nila, Tandang Sora, Quezon City. Inihahanda na ang kaso laban dito.
Sa isinumiteng report ni SPO1 Jayson David kay Supt. Jaime Santos, hepe ng Makati City Police, dakong alas-9:30 ng gabi nang matagpuan ang walang buhay na biktima sa loob ng condo unit nito sa Brgy. San Antonio Village, Makati City.
Sa unang pahayag ng suspek sa mga pulis, dumating umano siya sa bahay ng biktima at nakita niya itong nakahiga at sa pag-aakalang natutulog lamang ito ay nakataklob ng kumot.
Ayon pa sa suspek, nang alisin niya ang kumot, tumambad ang wala nang buhay na biktima kung saan nakataklob sa mukha nito ang isang plastic bag, na pinaniniwalaang naging dahilan ng kamatayan nito matapos itong ma-suffocate.
Sinabi pa ng suspek, na posibleng nagpakamatay ang biktima dahil may nakuha aniyang suicide note sa tabi ng laptop nito.
Subalit, nagduda ang mga imbestigador ng Makati City Police sa naging pahayag ng suspek dahil sa mga hindi tumutugmang pahayag nito.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya, lumalabas na mismong si Del Pilar ang posibleng pumaslang sa biktima kung kaya’t kaagad itong dinakip ng mga pulis.
Inaalam pa ang motibo sa krimen, gayunman nakatuon ang imbestigasyon sa anggulo ng selos.