MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang hindi pa nakikilalang babae ng dalawang hindi nakikilalang lalaki matapos magkaroon ng mainitang pagtatalo, kahapon ng umaga sa Malabon City.
Namatay noon din ang biktima na inilarawan ng pulisya na nasa 15-18-anyos, 5 talampakan ang taas, nakasuot ng tube dress, may puting stripe, puting sandals at may tattoo sa likod na Tribal at Macklyn, nagtamo ito ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan buhat sa .9mm pistol.
Bukod sa biktima ay inaalam din ng pulisya ang pagkakakilanlan sa dalawang suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente alas-3:45 ng umaga sa may Martiniko St., Malabon-Navotas River, Brgy. Longos ng nasabing siyudad.
Ayon sa saksing si Jericho narinig umano niyang nagtatalo ang mga suspek at ang biktima kung saan sinabi pa ng isa sa mga ito na “matapang ka ba?”.
Kasunod nito, sunud-sunod na pinutukan ng mga suspek ang biktima saka mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksiyon habang naiwan namang duguan at walang buhay na biktima.
Habang sinusulat ang balitang ito ay patuloy na nagsasagawa ng follow-up ang mga pulis hinggil sa insidente.