MANILA, Philippines - Matapos na mauna ang mga kompanya ng langis, magkakaroon din ng sariling bawas-presyo ang mga miyembro ng Liquefied Petroleum Gas Marketer’s Association (LPGMA) na sinimulan hatinggabi ng Huwebes.
Inihayag ni LPGMA Partylist Rep. Arnel Ty na P1 kada kilo ng LPG ang kanilang ibabawas o katumbas ng P11 kada 11-kilong tangke nito.
Dahil dito, P640 na lang ang suggested reference price (SRP) ng LPG ng Omni Gas, Pinnacle Gas, Island Gas, Cat Gas at Nation Gas mula sa P651 na presyo nito.
Nauna nang nagbawas ng P1.20 kada kilo ng kanilang LPG o P13.20 kada tangke ang Pilipinas Shell nitong Miyerkules ng hatinggabi na sinundan naman agad ng Petron.
Sa kabila ng pagsirit sa halaga ng ibang presyo ng petrolyo, bumaba naman umano ang presyo ng LPG sa internasyunal na merkado na kanilang hinahango.