MANILA, Philippines - Hindi inakala ng isang estudyante mula sa computer university na makakasalubong niya si kamatayan makaraang madaganan ng pader na gumuho sa Quezon City kahapon ng umaga.
Kinilala ni PO3 Rey Anin, ang biktima na si Mark Errol Collipano, computer technology stu dent sa Ama Computer University.
Ginagamot naman sa East Avenue Medical Center at Bernardino General Hospital ang mga sugatang sina Vicente Abaga Jr., at Alvira Fernando.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente sa kahabaan ng Quirino Highway sa panulukan ng Gen. Luis sa gilid ng Noval Plaza, Barangay Nova Proper.
Lumilitaw na naglalakad si Collipano at ang dalawang biktima sa gilid ng ginibang gusali nang biglang gumuho ang may 20 talampakang taas na pader.
Tinangka pang sagipin ng mga sumaklolong rescue team ang biktima mula sa ilalim ng gumuhong pader, subalit patay na.
Nawasak din ang karinderya na nasa gilid ng pader kung saan wala namang iniulat na nasugatan sa loob ng kainan.
Pinag-aaralan naman ng pulisya ang kaukulang kaso na isasampa laban sa may-ari ng gusali na pinaniniwalaang napabayaan sa matagal na panahon.