Bading kritikal sa tarak

MANILA, Philippines - Kritikal ngayon ang kalagayan ng isang bading makaraang pagsasaksakin ng isang 18-anyos na lalaki na umano’y   hindi binayaran ng una sa serbisyong ipinagkaloob nito, kahapon ng madaling araw sa Pasay City.

Isinugod sa Pasay City General Hospital ang biktimang nakilalang si Marlon Espinosa, 40, hair stylist, at naninirahan sa Brgy. 83 Villamor Airbase, ng naturang lungsod. Arestado naman ang suspek na si Julius Amar, ng Kaingin Uno, Sto. Niño, Pasay.

Sa ulat ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling araw sa loob ng bahay ng biktima. Nag-inuman sina Espinosa at Amar kung saan humantong ito sa pagbibigay serbisyo ng suspect sa biktima sa pangakong pera.

Ayon sa suspek, hindi umano tumupad sa pangako ang biktima na babayaran siya kaya nagdilim ang paningin at pinagsasaksak ito ng nakuhang patalim.

Mabilis namang tumakas si Amar ngunit naaresto ito ng retiradong sundalo na si Jesus Mingarakal nang magkamali ang suspek na magtago sa compound nito.

Sa loob ng pagamutan, nagawa pang makapagbigay ng pahayag ni Espinosa kung saan ikinaila nito na may nangyari sa kanila ng suspek. Sinabi nito na nahuli umano niya sa akto si Amar na ninanakaw ang kanyang DVD player kaya siya sinaksak nang pigilan niya itong tumakas.

Show comments