MANILA, Philippines - Kulungan ang binagsaksan ng isang 36-anyos na babae na sugapa umano sa ipinagbabawal na gamot makaraang paluin sa mukha ang sariling ina gamit ang sangkalang kahoy nang awatin ito sa panonood ng telebisyon, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Nahaharap sa kasong frustrated parricide ang suspect na si Judith Principe, 36, ng #379 Sitio Uno, Brgy. 2, Sangandaan, ng nasabing lungsod.
Matapos magpagamot sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC), sanhi ng tinamong sugat sa kaliwang mata, agad namang nagtungo sa Caloocan City Police ang biktimang si Felicitas, 54, ina ng suspect, upang pormal na magsampa ng kaso laban sa sariling anak.
Sa reklamo ng ina, dakong alas-5:30 ng hapon nang sawayin niya ang anak sa walang tigil nitong panonood ng telebisyon na higit 12 oras nang bukas dahil sa hindi makatulog dulot umano ng pagkalango sa iligal na droga.
Nauwi sa mainitang pagtatalo ang pag-uusap ng mag-ina hanggang sa kunin ng suspect ang sangkalan at hinataw sa mukha ang ina.
Sinabi pa ng biktima na matagal nang gumagamit ng shabu ang kanyang anak at pangalawang beses na rin siyang sinaktan nito.