MANILA, Philippines - Magsisilbing babala na para sa mga lalaking mahilig umihi sa gulong ng nakaparadang sasakyan ang pagkamatay ng dalawang lalaki na pinagbabaril ng may-ari ng isang sports utility vehicle (SUV) na nairita sa ginawang pag-ihi sa kanyang sasakyan sa Sampaloc, Maynila.
Ayon kay Insp. Armand Macaraeg, hepe ng MPD-Homicide Section, dead-on-the-spot ang biktimang si Manuel Evangelista, ng no. 964 Leyte St., Sampaloc, Maynila habang sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) na binawian ng buhay ang biktimang si Manuel Gorospe 36, ng no. 1639 Kundiman St., Sampaloc, Maynila.
Nagsasagawa na ng beripikasyon sa Land Transportation Office (LTO) si PO2 Jose Gumilan, may hawak ng kaso, para matukoy ang pagkakakilanlan ng ‘gunman’ na nagmamaneho ng kulay itim na Toyota Fortuner (PDU-942) na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Naganap ang insidente dakong alas-11:30, kamakalawa ng gabi sa harapan ng isang Washerers Laundromat sa Paquita St., Sampaloc, Maynila.
Nabatid na umihi si Evangelista sa gulong ng Toyota Fortuner na ikinairita naman ng suspect kaya sinita ang mga biktima na kasama pa umano ang isang Rommel Laviz, na residente ng #1116 I. delos Reyes St., Sampaloc.
Bumunot umano ng baril ang suspect at pinaputukan ang mga biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon pa sa impormasyon, dumayo lamang ang suspect para maglaro ng basketball.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 10 basyo ng bala ng .9 mm. kalibreng baril.
Naniniwala si Macaraeg na madaling matutukoy ang suspect dahil sa plaka ng sasakyan nito na nakuha ng mga kasamahan ng biktima.