Holdaper utas sa sekyu

MANILA, Philippines - Isa sa dalawang holdaper ang nasawi makaraang barilin ng sumaklolong security guard ilang minuto matapos nilang magkasunod na holdapin ang isang techinician at isang estudyanteng namamasyal sa Quezon City Memorial Circle sa lungsod kamakalawa ng gabi. Ang nasawing suspect ay kinalala lamang sa alyas na Gibson­, nasa pagitan ng edad 20-25, nakasuot ng itim na t-shirt at maong na short pants. Habang mabilis namang nakatakas ang isa pang kasamahan nito.

Nabaril ito ng sumaklolong security guard ng QMC na si Jessie Gabot. Positibo namang kinilala ang nasawing suspect ng mga biktimang sina Mark Anthony Sioson, binata, computer techinician ng Potrero Malabon City; at Karen Mendrano, 16, estudyante ng Brgy. E. Rodriguez Quezon City. Nabawi mula sa lugar ang isang patalim at isang Samsung Wi-Fi ng biktimang si Sioson habang tangay naman ng isa pang suspect ang bag ni Mendrano.

Sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may loob ng QMC partikular sa Gate 1 sa harap ng East Avenue, Brgy. Central ganap na alas-9:15 ng gabi. Bago ito, naglalakad umano ang biktimang si Sioson sa lugar nang lapitan ng mga suspect at tutukan ng patalim sabay deklara ng holdap.

Nang makuha ang gamit ni Sioson ay iniwan na nila ito, hanggang sa makalipas ang ilang oras ay pinuntirya naman si Mendrano na naglalakad din sa naturang lugar kasama ang boyfriend na si Christopher de Vera, 17 at tinangay ang bag nito na naglalaman ng P1,600 na cash, Nokia cellphone (P3,000), at Digicam (P4,000) saka tumakas.

Habang papalayo ang mga suspect ay nagpasya ang da­lawa na humingi ng saklolo sa nagpapatrulyang si Gabot at hinabol ang mga suspect, hanggang sa maabutan nito ang suspect na si Gibson na paakyat sa gate.

“Nagwarning shot pa po ako, pero hindi tumigil, kaya pinaputukan ko na, hindi pa nga pumutok ang una eh,” sabi ni Gabot.

Dead on the spot sa lugar si Gibson, habang nakatakas naman ang isa pang kasamahan nito. Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments