Marine reservist utak sa pangangarnap sa Crame

MANILA, Philippines - Nahaharap ngayon sa pag­kakadismis sa serbisyo ang isang nagpakilalang Marine Major na itinurong mastermind sa pagkarnap ng isang behikulo na pag-aari ng PNP-Police Security and Protec­tion Group (PNP-PSPG) sa loob ng Camp Crame. Si Miguel Jimenez na ikinanta ng mga suspect na lider ng carjacking syndicates ay nasa likod umano ng pangangarnap sa isang puting Toyota Innova na nakaisyu kay Sr. Supt. Glen de la Torre, opisyal ng PNP-PSPG sa loob mismo ng nabanggit na kampo.

Ang nasabing behikulo na nawala pa sa pagitan ng Hunyo 19 at 20 ng taong ito habang nakaparada sa compound ng PNP-PSPG sa Camp Crame. Nabulgar lamang ito nang ma­aresto ang apat na carjacker noong Agosto 1 sa operasyon sa kahabaan ng D. Tuazon, La Loma, Quezon City at doon narekober ang ki­narnap na SUV. Kabilang sa mga nasakoteng carjacker ay sina Garry Ceriaco, 37; Erick Equilla, 31; Reynaldo­ Peralta, 40 at Carlo Montalbo, 47, na pawang ikinanta sa interogasyon­ na si Jimenez ang lider ng kanilang grupo.

Sa panayam, nilinaw naman ni 1st Lt. Cherryl Tindog, spokesperson ng Philippine Marine Corps na hindi nila opisyal si Jimenez kundi isa lamang itong reservist na may ranggong Staff Sergeant na matagal ng inactive sa trabaho umpisa pa noong 2004.

Si Jimenez ay huling natalaga bilang reservist sa 7th Marine Brigade na nakabase sa Fort Bonifacio. Ayon kay Tindog, dahilan nadadawit ang reputasyon ng Marine Corps sa krimen na po­sibleng kinasasangkutan ni Jimenez ay isinasailalim na nila ito sa masusing imbestigasyon at proseso ang pagpapatalsik rito sa roster ng kanilang mga reservist.

Show comments