MANILA, Philippines - Patay ang isang traffic enforcer habang nasa malubhang kondisyon naman ang kaangkas nito sa isang motorsiklo makaraang banggain sila ng isang kotse ng isang driving school na minamaneho ng isang student driver, kamakalawa ng hapon sa Las Piñas City.
Hindi na umabot pang buhay sa Las Piñas Doctors Hospital dahil sa matinding pinsala sa ulo ang biktimang si Maximo Bolanga, 56, residente ng Brgy. CAA at traffic enforcer ng Las Piñas City Hall, habang ino-obserbahan pa sa Zarate Hospital ang kan yang ka-angkas na nakilala sa pangalang Jerry Refil.
Sumuko naman sa pulisya ang student driver na si Jeavenjay Gloria at ang nagtuturo sa kanya sa pagmamaneho na si Melchor Dela Torre ng A-1 Driving School.
Naganap ang insidente dakong alas-4:45 ng hapon sa Naga Road, Brgy. Pulang Lupa, ng naturang lungsod.
Nabatid sa imbestigasyon na pauwi na sina Bolanga at Refil nang biglang banggain ng Toyota Revo (WNJ-185) na pag-aari ng A-1 Driving School at minamaneho ng estudyanteng si Gloria.
Sa lakas ng salpukan, tumilapon sa motorsiklo si Refil habang napailalim at nagulungan pa ng Revo si Bolanga. Napag-alaman na parehong walang suot na helmet ang dalawa sa kabila ng pagiging traffic enforcer kaya’t matindi ang pinsalang inabot nila sa insidente.
Ayon kay Alvarez, maaaring nagkamali sa kanyang pagmamaneho si Gloria at nataranta kaya biglang humarurot ang minamanehong van at mabangga ang mga biktima.
Sinabi naman ng pulisya na batay umano sa umiiral na panuntunan, ang nagtuturo sa student driver na si Dela Torre ang dapat na makasuhan. Natuklasan naman na hindi student license kundi professional license na ang dala ni Gloria kahit hindi pa ito marunong magmaneho kaya’t ipinaubaya na ng pulisya sa piskalya kung kakasuhan din ang estudyante, pati na ang pamunuan ng driving school.