MANILA, Philippines - Pansamantalang isinara na kahapon ng pamunuan ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Pasay City ang kontrobersyal na art exhibit na naglalaman ng ilang obra na bumabastos umano sa pananampalataya ng mga Katoliko.
Ito’y makaraang makatanggap ng pagbabanta ang pamunuan ng CCP buhat sa iba’t-ibang relihiyosong grupo sa pamamagitan ng text messages at online messages na sasampahan ang pamunuan ng iba’t- ibang kaso kung hindi ititigil ang exhibit na tinawag na “Kulo”.
Nagsimula ang kontrobersya makaraang mapansin ang ilang obra na bumabastos umano sa mga imahe ng Simbahang Katoliko partikular na ang obra ni Mideo Cruz na pinamagatang “Poleteismo” na pinagsama-sama sa imahe ni Hesukristo ang katangian ng payaso, ng karakter na si “Mickey Mouse” at isang pulang ari ng lalaki sa mukha.
“Due to numerous emails, text messages and other letters sent to various offficers of the CCP, and to the artists themselves, with an increasing number of threats to persons and property, the members of the Board of the Cultural Center of the Philippines have decided to close down the Main Gallery where the Kulo Exhibit is on display. This decision was made amidst controversy and deliberation by the Board as to what steps are necessary to avoid future similar incidents,” ayon sa opisyal na pahayag nina CCP president Raul Sunico at chairperson Emily Abrera.
Kasalukuyan na rin umanong nirerebisa ng pamunuan ng CCP ang kanilang mga polisiya para sa angkop na mga desisyon. Sa kabila nito, mananatili umano ang CCP na instrumento sa paghahayag ng ekspresyon ng mga Filipino artists.
Unang binuksan ang exhibit nitong Hunyo 17 sa CCP main gallery kung saan tampok ang mga obra ng 32 Filipino artists. Kasama umano ito sa selebrasyon ng ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Dr. Jose Rizal. Nag-umpisa ang banta sa seguridad nitong Agosto 4 nang isang mag-asawa ang sumira sa ilang obra at nagbanta na susunugin ang mga exhibit.
Suportado naman ng UST ang pagsasampa ng kaso laban kay Cruz. Ang nabanggit na artist ay undergraduate sa naturang unibersidad.