Call center agent tinodas ng call boy sa motel
MANILA, Philippines - Nasawi ang isang call center agent makaraang saksakin ng isang umanoy call boy sa loob ng isang motel, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Namatay sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan ang biktimang nakilalang si Ronnel Payno, 24, ng Brgy. Hulo, Mandaluyong City.
Naaresto naman ng mga security guard sa Halina Hotel na nasa FB Harrison St., Pasay ang suspek na si Aldrin Jay Mendoza, 23, ng Caloocan City.
Sa ulat ng Pasay police, dakong alas-6 kamakalawa ng gabi nang sabay na mag-check-in sa magkahiwalay na kuwarto sina Payno at Mendoza sa naturang motel. Makalipas ang ilang minuto, tumawag sa room service si Mendoza at hiniling kung maaari itong magtungo sa kuwarto ng kaibigan umano niyang si Payno na naka-check-in sa Room 35.
Itinawag naman muna ni Lino Diongson, empleyado ng motel, kay Payno ang hiling ni Mendoza na pumayag naman agad. Hindi pa natatagalan sa silid ni Payno si Mendoza nang biglang lumabas ang duguang biktima habang hinahabol naman ito ng suspek na walang damit pang-itaas na bitbit pa ang duguang patalim.
Bumagsak at nawalan ng malay si Payno sa tapat ng counter ng motel na agad na inalerto ang kanilang mga security guard na nagresulta sa pagkakadakip ni Mendoza.
Sa imbestigasyon, inamin ni Mendoza na sinaksak niya ang biktima ngunit ipinagtanggol lamang umano niya ang sarili. Pumalag umano siya sa kahalayang pinagagawa sa kanya nito kaya ito nagalit at una siyang sinaksak. Nagawa naman umano niyang maagaw ang patalim at gantihan ng saksak si Payno.
Narekober naman ang patalim na ginamit nito sa halamanan matapos nitong itapon sa tangka niyang pagtakas na gagamitin bilang ebidensya sa suspek na nahaharap ngayon sa kasong homicide.
- Latest
- Trending