MANILA, Philippines - Naaresto ng pinagsanib na mga operatiba ng PNP-CIDG at Quezon City Police District (QCPD) ang tatlong pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na Ampang Co langco robbery gang na sangkot sa panghoholdap sa Bank of the Philippine Islands (BPI) Commonwealth, Quezon City noong nakaraang buwan.
Kinilala ang mga nasakoteng suspect na sina Armando Guno, alyas Allan, 35; Joel Roellano, 39 at Gary Padilla, 32.
Kasabay nito, nasilat naman ang planong panghoholdap ng mga suspect sa depositor ng isa pang banko sa Morato Avenue na sinusundan ng mga suspek na sinasabing magwi-withdraw umano ng malaking halaga ng pera sa naturang bangko.
Ang mga suspek ay sangkot sa 100 insidente ng robbery /holdup sa Metro Manila at mga karatig lugar kung saan maliban sa mga banko at malalaking establisimento ay target din ng mga ito ang mga negosyanteng Bombay.
Nasamsam mula sa mga suspek ang dalawang MK IV caliber .45 pistol, isang Smith and Wesson .38 caliber revolver, fragmentation grenade, silencer para sa cal .45 pistol, Suzuki mo torcycle (4292 ND) na pag-aari ng suspect na si Guno, kulay beige na Toyota Vios (MR 635) na nakarehistro naman sa pangalan ng isang Dolores Cruz Quizon.
Nabatid pa si Guno ay may nakabimbin na warrant of arrest sa Las Piñas City bago pa man ito nasakote ng mga awtoridad.
Patuloy naman ang pagtugis sa isa pang kasamahan ng mga suspek na si Eduardo Nobleza, alyas Komang na nakatakas sa operasyon. Si Nobleza ay positibong natukoy na kabilang sa mga suspek na nangholdap sa BPI Commonwealth Branch noong Hulyo 15, 2011.
Sa inisyal na interogasyon, inamin ni Guno na kilala niya si Ricky Cadavero, alyas Kambal dahilan magkasama sila sa kanilang mga isinasagawang robbery/holdup kabilang ang insidente sa BPI Commonwealth Branch. (Joy Cantos at Ricky Tulipat)