MANILA, Philippines - Winakasan ng isang abogado ng Development Bank of the Philippines (DBP) ang sarili nitong buhay makaraang magbigti sa loob ng banyo ng inupahan nitong kuwarto sa isang hotel sa Las Piñas City kahapon ng tanghali.
Nakilala ang nasawi na si Atty. Benjamin Pinpin, 43, assistant chief legal counsel ng DBP, at naninirahan sa Angela Village 3, Brgy. Talon 4, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Las Piñas City Police, dakong alas-12 ng tanghali nang madiskubre ang posibleng pagpapakamatay ng biktima sa Room 211, ng isang hotel sa Zapote-Alabang Road sa naturang lungsod.
Nabatid sa imbestigasyon na huling nakita ang biktima na inihatid sa paaralan ang kanyang dalawang anak na high school students kamakalawa kung saan niyakap ng mahigpit nito ang mga anak bago dumiretso sa opisina sa DBP Head Office sa Makati City. Umalis ng alas-11 ng tanghali at hindi na muling bumalik sa trabaho.
Nag-check-in naman ito sa hotel ng hanggang alas-12 ng tanghali kahapon. Nang hindi ito sumagot sa paulit-ulit na tawag sa telepono upang alamin kung mag-i-extend ito, puwersahang binuksan na ng pamunuan ng hotel ang kuwarto nito gamit ang “master key” kung saan tumambad ang wala nang buhay nitong katawan na nakabigti sa loob ng banyo gamit ang isang nylon cord.
Sa opisyal na pahayag na inilabas kahapon ni DBP Chairman Jose Nuñez Jr., nababahala sila sa pagkasawi ni Pinpin dahil sa naganap ito habang nasa kainitan umano ng imbestigasyon sa isang kuwestionableng transaksyon sa bangko kung saan isa ang pumanaw na abogado sa nag-iimbestiga. Sinabi nito na naniniwala ang pamunuan ng DBP na malaking kawalan sa bangko si Pinpin.
Samantala, naniniwala si Sr. Supt. Romulo Sapitula na walang “foul play” na naganap sa pagpapakamatay matapos na matagpuan ang tatlong “suicide note” sa loob ng kuwarto ng hotel na inokupa nito, Isa para sa kanyang misis na si Amelia, para sa ina nito at sa anak na lalaki na humihingi ng tawad sa kanyang nagawa at panalangin para sa kanyang ikakatahimik.